Matinding takot muli ang naghari sa shoppers ng Isetann Department Store sa Maynila, kamakalawa ng gabi matapos na matagpuan ang isang bag na inakalang bomba, ito’y dahil na rin sa naganap na pagpapasabog sa Glorietta 2 noong Biyernes.
Ang nabanggit na pagpa-panic ng mga mamimili sa naturang mall ay matapos na maiwan ng isang batang lalaki ang kanyang bag na itim sa tabi ng hagdan malapit sa entrance nito.
Mabilis umanong ipinagbigay-alam ng ilang mga mamimili sa security ng Isetann ang nabanggit na bag at mabilis naman itong ipinaamoy sa bomb-sniffing dog na naka-deploy dito.
Tatlong ulit na inupuan ng bomb-sniffing dog ang bag na naging dahilan naman upang maglabasan ang mga mall shoppers dakong alas-6 ng gabi. Nang buksan ang bag ay negatibo naman ito sa anumang uri ng pampasabog at tanging mga drum sticks lamang ang nasa loob nito.
Gayunman, alas-7 na ng gabi nang maibalik sa normal na operasyon ang nabanggit na Mall. (Grace dela Cruz)