Nasa kritikal na kondisyon ngayon ang isang empleyado ng mall makaraang barilin ng dalawang ulit sa ulo ng isa sa tatlong kalalakihan na nag-abang sa kanya, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Ginagamot sa Mary Johnston Hospital si Ruel Baltazar, binata, checker ng SM Manila ng 1337 Sevilla St., Tondo dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo.
Habang pinaghahanap naman ang suspect na si Aries Villar, 28, ng 401 Int., 9 Perla St., Tondo at dalawang kasama nito.
Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-3:15 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa kanto ng Moriones at N. Zamora Sts., Tondo.
Naglalakad umano ang biktima kasama ang ilang kasamahan sa trabaho galing sa isang birthday party nang pagdating sa naturang lugar ay biglang sumulpot ang mga suspect kung saan naglabas ng baril si Villar at walang sabi-sabing binaril ang biktima ng dalawang beses sa ulo habang ang dalawa nitong kasamahan ay nagsilbing look-out.
Nabatid na ang biktima at si Villar ay dati nang may alitan at matagal na umanong inaabangan ng huli ang una hanggang sa nag-krus ang kanilang landas. (Doris M. Franche)