Magmamartsa sa lansangan ang may dalawang milyong miyembro ng True Marcos Loyalists, sa pangunguna ni Cherry Cobarrubias para ipanawagan ang pagreresign ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Sa isinagawang exclusive interview ng STAR, sinabi ni Cobarrubias na inaalis na ng Marcos Loyalists ang kanilang suporta kay Pangulong Arroyo dahil na rin sa serye ng anomalya na kinasasangkutan ng pamahalaan nito, kabilang din dito ang kanyang asawang si FG Mike Arroyo at ilang miyembro ng Gabinete.
“Magmamartsa kami sa mga lansangan para ipanawagan ang pag-alis sa puwesto ng Pangulo. Naniniwala kami na nawala na ang moral ascendancy ng Pangulo na pangunahan ang bansa,” pahayag pa ni Cobarrubias.
Si Cobarrubias, ay dating tagapagsalita ni Mrs. Imelda Marcos ay nagsabing “Mrs. Arroyo must overhaul her soul”.
Hindi umano sila uupo lamang at magre-relax at panoorin ang Pangulo sa pagsisinungaling nito sa mga tao.
Ilang ulit na umanong ginawa ng Pangulo at mga alyansa nito sa Malacañang na yurakan ang dignidad ng mga Filipino. Mabibigyan umano ni GMA ng dignidad ang mga Pinoy sa pamamagitan nang pagre-resign nito.
Sinusuportahan umano nila ang panawagan ni Senator Kiko Pangilinan na magresign ang Pangulo at ipalit si Vice-President Noli de Castro.
Magugunitang halos hindi na makagulapay ang administrasyong Arroyo sa mga kinasasangkutang anomalya, mula sa multi-million ZTE deal, ang suhulan at ngayon nga ay ang pamumudmod ng cash gift sa mga Kongresista at local officials na inimbitahan sa Malacañang kamakailan.