Presyo ng LPG tumaas na naman
Muli na namang lumobo ang presyo ng Liquified Petrolium Gas (LPG) matapos na ianunsyo ng dalawang malaking kompanya ng langis ang pagtataas ng P1 kada kilo o kabuuang P11 kada 11 kg. na tangke kahapon ng umaga.
Dakong alas-6 ng umaga ng ipahayag ng Pilipinas Shell at Petron ang panibagong paggalaw ng presyo ng kanilang produktong LPG.
Ayon sa pahayag ng dalawang kompanya kinakailangan nilang mabawi ang biglaang pagtaas ng presyo ng nasabing produkto sa pandaigdigang pamilihan ngayong pagpasok ng buwan ng Oktubre.
Paliwanag ng mga ito na umaabot na ang contact price ng nasabing produkto sa world market sa $735 nitong pagpasok ng buwan ng Oktubre mula sa September contact price na $652.50.
Paliwanag ng mga tagapagsalita ng Shell at Petron na umaabot sa $82.50 ang itinaas ng contact price nito sa world market kaya kinakailangan nilang bumawi ng may kabuuang halagang P3 hanggang P3.50 kada kilo sa presyo ng LPG ngayong buwang ito.
Matatandaang nagtaas ng presyo ng LPG ang mga kompanya ng langis ng dalawang beses mula noong huling linggo ng Setyembre at unang linggo ng Oktubre.
Sa kabuuan ay umaabot na sa P2.50 kada kilo o kabuuang P27.50 kada 11 kg na tangke ang inilobo ng presyo ng LPG nito lang huling linggo ng nakaraang buwan.
Nagbabala naman ang mga kompanya ng langis na kung patuloy pa rin ang trend sa pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan ay posibleng mas lalong lumobo pa ang presyo ng LPG sa mga susunod na buwan lalo pa at papasok na ang taglamig sa mga bansang inaangkatan ng nasabing produkto.
Sa ginawang pagtaas ng Shell at Petron ay inaasahan na magsusunuran ang iba pang kompanya ng langis sa pagtaas ng kanilang produktong LPG ng kaparehas ding halaga.
- Latest
- Trending