Truck driver patay sa away trapiko

Patay ang isang truck driver makaraang pag­ba­barilin ito ng isang hindi pa kilalang drayber ng motorsiklo makaraang magtalo dahil sa hindi pagka­kaunawaan sa kalsada kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.

Agarang nasawi sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa katawan ang biktimang si George Renoy, nasa hustong gulang at resi­dente ng Blk. 3 Lakas Bisig St. Cainta, Rizal, habang mabilis namang tumakas ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo matapos ang pamamaril.

Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas- 4:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng East­bank Road Floodway Brgy. Manggahan ng lungsod na ito.

Nabatid na lulan ng minamanehong trak na may plakang WNS-949 ang biktima at bina­bagtas ang nasabing kalsada ng magtangkang mag-over take ang motorsiklong minamaneho ng suspek subalit hindi ito pinagbigyan ng una.

Dahil sa pangyayari ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang driver hanggang sa bumunot ito ng hindi pa batid na kalibre ng baril at pinagbabaril ang biktima na siyang agarang ikinamatay nito.

Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek at agarang pag-aresto nito.

Show comments