MPD police bawal mag-display ng alahas
Mahigpit nang ipinagbabawal ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa mga tauhan nito ang pagsusuot ng mga alahas.
Ayon kay MPD director Chief Supt. Rogelio Rosales ang nabanggit na kampanya ay upang maibalik umano sa mga pulis ang magandang imahe ng mga ito, partikular na ang mga pulis-Maynila. Ipinaliwanag ni Rosales na hindi magandang tignan ng publiko ang isang nakaunipormeng pulis habang mistulang sampayan ng mamahaling alahas ang kanyang katawan. Aniya, nagkakaroon umano ng ideya ang publiko na isang kotong cop ang mga pulis na namumutiktik sa alahas at ito umano ay nakakawala ng respeto. Gayunman, hindi naman tinututulan ni Rosales ang pagsusuot ng alahas kung mayroon din naman okasyon na kinakailangan magsuot nito ang isang pulis. Bukod sa hindi pagsusuot ng alahas, ipinag-utos din ni Rosales ang pagsusuot ng uniporme ang kapulisan habang sila ay naka-duty. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending