Mag-bestfriend nag-duelo: 1 patay

Madugong trahedya ang hinantu­ngan ng matagal ng samahan ng mag-best friend na matadero mata­pos na mag-dwelo ang mga ito nang magka-asaran sa pustahan sa laban nina Manny Pacquiao at Antonio Barrera rematch, ka­ makalawa ng gabi sa Muntinlupa City.

Patay na nang idating sa Ospital ng Muntinlupa sanhi ng mga tina­mong saksak sa dibdib ang biktimang si Lorence Bauas, 32, residente ng 242  San Guillermo St, Brgy. Putatan Mun­tinlupa City matapos na tadtarin ito ng saksak sa dibdib ng kanyang bestfriend na kinilalang si Joey Rey Recto, 23, binata ng PNR Site, FTI Com­pound, Taguig City.

Batay sa ulat ng Muntinlupa Police, ang insidente ay naganap dakong alas-6:25 ng gabi sa Fresnedi Slaughter House na nasa  San Guil­lermo St., Brgy. Putatan ng nasabing lungsod.

Nabatid na bago ang insidente ay unang nanood ang dalawa sa laban nina Pacquiao at Barrera kung saan pu­musta umano ang suspect sa Mehi­kanong boksingero, habang ang bik­tima ay kay Pacquiao naman pu­musta.

Nang tanghalin na kampeon si Pacquiao, dito ay siningil na ng bik­tima si Recto kaugnay ng napagka­sunduan nilang halaga subalit tu­manggi umano ang suspect na ibigay ang perang napanalunan ng  una.

Dahil dito, nagalit ang biktima, ku­muha ng patalim at pilit na kinukuha ang napanalunang pusta dahilan naman upang mapikon umano ang suspect at walang sabi-sabing inuna­han nitong saksakin ang una gamit ang patalim na ginagamit sa pang­katay ng hayop.

Agad namang naaresto ang sus­pect ng mga rumespondeng pulis. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments