Aviation Police kakasuhan
Ipaghaharap ngayong araw na ito ng kasong murder at child abuse ang isang pulis na nambugbog at nakapatay sa isang binatilyo na kanyang inaresto noong Setyembre 29 sa San Andres Bukid Maynila.
Sinabi ni Det. Jaime Gonzales ng Manila Police District-homicide section na personal na itinuro ng mga testigo si PO2 Julio Ezzey Marquez ng 1st Police Center for Aviation Security bilang isa sa mga suspek na umaresto at bumugbog kay Bernardo Bandejas, 15, ng Pulido compound, Panapaan 4 Bacoor, Cavite sa San Andres. Ikinamatay ng biktima ang naturang pambubugbog.
Ipinaliwanag naman ni Gonzales na nasa pangangalaga na ng kanyang superior officer sa Aviation Command base si Marquez.
Nilinaw pa rin ng pulisya na maituturing na umanong “consumated” na ang kaso ni Marquez bago pa man ito kinilala kaya sa korte na lamang nito sasagutin ang akusasyon laban sa kanya.
Una nang sinampahan ng kasong murder at child abuse ang isa pang suspek na si Joel Hizo, 45, Brgy Tanod ng Brgy 763, Zone 83, District 6.
Matatandaan na inaresto si Bandejas kasama sina Sherwin Asistol, 16, at Virgilio Celis, 16, dahil sa umano’y pagnanakaw sa bisikleta ng isang Jaime Marquez, 28. (Grace Amargo-dela Cruz)
- Latest
- Trending