Metro Manila babaho
May malaking posibilidad na bumaho ang buong Metro Manila dahil sa nakaambang magkaroon ng krisis sa basura matapos na ipag-utos ng Rizal Provincial Government sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan nito ang agarang pagpapasara sa may 14-ektaryang lupain na kinatitirikan ng Montalban Solid Waste Disposal Facility.
Ang pagpapasara sa tambakan ng basura sa Barangay San Isidro, Rodriguez (dating Montalban) ay base sa rekomendasyon ng safety engineering consultants na kung saan inaasahan poproblemahin ng may 16 na lungsod at isang munisipyo ng Metro Manila kung saan itatapon ang may 6,000 cubic meters ng basura kada araw.
Ayon kay Rizal Governor Jun Ynares III, kanyang ipinaalam sa Metropolitan Manila Development Authority at kay Montalban Mayor Pedro Cuerpo ang desisyon ng Provincial government sa naturang pasilidad na sinasabing sobrang nagamit na.
Sinasabi ng engineering safety consultants na masyado nang gamit na gamit ang naturang tambakan at ang patuloy na paggamit at pagtatapon dito ay maaring magresulta sa isang aksidente na posibleng ikabuwis ng ilang buhay ng mga residente sa paligid nito. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending