Kritikal sa pagamutan ang isang 24-anyos na obrero makaraang burdahan ng saksak ng kanyang kapitbahay na umano’y tinalo niya sa pustahan sa labanan nina Mexican boxer Marco Antonio Barrera at “Pambansang Kamao” Manny Pacquiao kahapon ng hapon sa Pasay City.
Kasalukuyang ginagamot sa isang pagamutan ng nabanggit na lungsod ang biktima na si Anthony Asuncion, residente ng FB Harrison St., ng nabanggit na lungsod, dahil sa tinamo nitong mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Pinaghahanap pa ng awtoridad ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Joco”, kapitbahay ng biktima.
Nauna rito, nagpustahan ang dalawa sa laban nina Pacquiao at Barrera.
Kay Pacquiao umano pumusta ang biktima habang ang suspek ay kay Barrera.
Matapos na ideklarang panalo si Pacquiao at nang singilin na ng biktima ang perang napanalunan nito sa suspek ay tumanggi umanong ibigay ito ng huli dahilan upang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Sa gitna ng pagtatalo ng biktima at ng suspek ay bigla umanong naglabas ng balisong ang huli na umano’y nairita sa paniningil at pang-uurot ng panalo ng una.
Nabatid na habang nakatalikod ang biktima ay agad na inundayan ito ng saksak ng suspek sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan hanggang sa duguan itong humandusay. (Rose Tamayo-Tesoro)