P10-M puslit na sibuyas nasabat

Sampung milyong halaga ng mga smuggled na sibuyas ang nasabat ng mga tauhan ng Intelligence and Investigation Service ng Bureau of Customs (BoC) sa Port of Manila. Ayon kay BoC Commissioner Napoleon Morales, ang mga nabanggit na pinuslit na sibuyas ay idineklara umanong mga bawang upang makaiwas sa pagkuha ng import authority sa Bureau of Plant Industry. Aniya, ang mga ito ay naka-consign umano sa JCS International Freight Services, Philip­pine Container Lines, AGR Trading at sa Golden Shine Enterprises. Bunsod nito’y, nagsagawa ng inspeksiyon si Morales at ang pangulo ng Union Growers and Onion Traders (UGAT) na si Magtanggol Alvarez sa mga nasabat na container vans.

Sinabi pa rin ni Morales na inalerto nila ang lahat ng mga ahente ng BoC makaraang makatanggap ng impormasyon na may mga sibuyas ang itatangkang ipuslit mula sa bansang China. Sunod-sunod na dumating sa bansa ang mga nabanggit na kontra­bando mula buwan ng Agosto hanggang Setyembre.

Agad naman na inirekomenda ang pag-iisyu ng warrant of seizure at detention sa mga nasabat na kontrabando. (Grace dela Cruz)

Show comments