Bumagsak sa pinagsanib na operatiba ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) at Quezon City Police ang isang most wanted na miyembro ng kidnap for ransom (KFR) gang na responsable sa pagdukot sa isang mayamang negosyanteng Tsinoy sa operasyon sa Quezon City.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame , iniharap ni PNP at PACER Chief Director General Avelino Razon Jr. ang nasakoteng suspect na si Rolando Pardito, 25, at tubong Unisan, Quezon.
Ayon kay Razon, ang suspect ay nasakote sa Freedom Park, Batasan Hills , Quezon City matapos na matiyempuhan ng mga operatiba na umiistambay sa nasabing lugar kung saan ay matagal na itong isinasailalim sa surveillance operations.
Sinabi ni Razon na si Pardito ay ika-30 sa talaan ng mga most wanted na KFR gang at may patong sa ulong P 300,000.
Dinakip ang suspect sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Stephen Cruz ng Regional Trial Court Branch 8 ng Lucena City sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ang suspect ay sangkot sa pagkidnap sa mayamang Tsinoy trader at driver nito sa Laguna noong Agosto 2003. Ang mga biktima ay pinalaya sa isang lugar sa lalawigan ng Quezon matapos na magbayad ng malaking halaga ng ransom ang pamilya nito.
Nabatid na si Pardito, ang ama nitong si Leopoldo Pardito at kapatid na si Mario Pardito ay pawang magkakasabwat sa KFR activities.
Ang kanilang ama na naaresto noong 2003 ay nasawi matapos na atakehin sa puso sa Quezon Provincial Jail, habang ang kapatid naman nitong si Mario ay napaslang sa engkuwentro sa pinagsanib na elemento ng Pampanga Police at dating National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) sa lalawigan ng Pampanga noong 2004.
Sa tala ng PACER, sinabi ni Razon na sa kasalukuyan ay aabot sa 25 pang most wanted kidnapper ang pakay ng kanilang manhunt operations. (Joy Cantos)