Street crimes prayoridad ni Razon
Ipaprayoridad ng bagong upong si Philippine National Police (PNP) Chief Deputy Director General Avelino Razon Jr., ang pagsugpo sa mga street crimes sa mga urban centers sa bansa partikular na sa Metro Manila.
Sinabi ni Razon na 90 porsiyento ng mga pulis sa bawat mga himpilan ay ipakakalat niya sa mga lansangan habang ang nalalabing 10 porsiyento ay sa mangangasiwa sa kanilang gawain sa mga opisina upang maging epektibo ang pagsugpo sa street crimes kabilang dito ay ang talamak na cellphone snatching, holdapan, bag slashing, pandurukot at iba pa.
Ayon kay Razon, partikular niyang idedeploy ang mas malaking bilang ng mga magpapatrulyang mga pulis kabilang ang foot patrol, mobile patrol at motor patrol sa mga lugar na tinaguriang crime prone areas.
Sa Metro Manila, kabilang sa mga ikinokonsiderang crime prone areas ay ang Aurora Boulevard, Quezon Avenue, sa Cubao, Quezon City; Quiapo, Taft Avenue, Tondo, Recto sa lungsod ng Maynila; Monumento sa Caloocan City, kahabaan ng Edsa, ilang lugar sa Mandaluyong City partikular na sa bahagi ng Boni Avenue at iba pa na madalas pagtambayan ng mga elementong kriminal na nambibiktima ng mga inosenteng sibilyan.
Kaugnay nito, magpapakalat rin ng mga bus marshals si Razon upang magmanman sa mga holdaper na kadalasang nanghoholdap sa mga pasahero na bumibiyahe partikular na sa kahabaan ng Edsa na napaulat na talamak na sa bus hold-up.
Maging sa bisinidad malapit sa mga university belts at mga malls ay pakakalatan din ng mga pulis sa ilalim ng konseptong “Mamang Pulis” na ilalapit sa puso ng mamamayan. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending