Abogada pinaslang

Isang 40-anyos na abogadang nag­sampa ng kasong disqualification laban sa namayapang aktor na si Fernando Poe Jr.  sa halalang pampanguluhan noong taong 2004 ang natagpuang patay sa isang hotel sa Pasig City kamakalawa ng gabi.

Dakong alas-8:30 ng gabi nang ma­tuk­lasan ang bangkay ni Atty. Maria Jeanette Tecson sa Room 2004 Richmonde Hotel sa Ortigas Center, Barangay San Antonio ng naturang lunsod.  Si Tecson, residente ng 10 Yellowbell St. Lexington Garden Village, Ortigas ay na­­tag­puang may ma­lalim at mahabang laslas sa leeg at laslas din ang kaliwa nitong pulso.

Ayon sa ulat ng pulisya, isang room boy ang nakatagpo sa bangkay ng biktima.

Sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na may anim na oras nang patay ang biktima at hindi pa rin masabi kung nag­pakamatay o pinatay ito.

Ilang mga empleyado ng hotel ang inimbi­tahan ng pulisya para makapagbigay linaw sa pagkamatay ng biktima habang dinala naman sa Philippine National Police-Crime laboratory ang bangkay nito para iawtopsiya.

Sa halalan noong 2004, inihain ni Tecson sa Supreme Court ang isang petis­yong humihiling na idiskuwalipika si Poe sa pagkandidato sa pagka-presidente.    

Kinukuwestiyon noon ni Tecson ang Fili­pino citizenship ni Poe.

Sinasabi pa ni Tecson na, bagaman may petsang 1939 ang birth certificate ng aktor, noon lang 1940 nagpakasal ang mga ma­gulang nitong sina Allan Poe at Bessie Kelley na isang Amerikana.

Show comments