Inaasahan na dadagsain ng daan libong mga baguhang politiko at lider ng kabataan ang mga lokal na election offices sa mga bayan at lungsod sa pag-uumpisa ng pagsusumite ng kandidatura para sa higit 600,000 puwesto sa barangay at Sangguniang Kabataan ngayong araw.
Sa ulat ng National Barangay Operations Office ng Department of Interior and Local Government, nabatid na may kabuuang 671,904 na puwesto buhat sa 41,994 na mga barangay sa buong bansa ang nakalaan ngayong darating na eleksyon sa Oktubre 29.
Kabilang dito ang pagiging 41,994 puwesto para sa punong barangay; 293,958 barangay kagawad; 41,994 puwesto bilang Sangguniang Kabataan chairman at 293,958 na mga SK member.
Una nang hinikayat ni DILG Undersecretary for Local Government Austere Panadero ang mga nagnanais na tumakbo sa halalan na agahan ang kanilang pagsusumite ng “certificates of candidacy” upang maiwasan ang mahabang pila at procedures kapag natatambakan ang Commission on Elections ng aplikasyon kapag matatapos na ang deadline.
Nabatid na opisyal na nag-umpisa ang pagtanggap ng aplikasyon para sa kandidatura ngayong Setyembre 29 hanggang Oktubre 18. Hindi naman kabilang dito ang mga araw ng Sabado, Linggo at mga pista opisyal.
Nauna dito, higit sa 9,000 mga incumbent na punong barangay ang pinagbawalan ng DILG na muling tumakbo sa naturang posisyon dahil sa pananatili na ng tatlong magkakasunod na termino. Maaari namang tumakbo ang mga ito sa mas mababang posisyon bilang barangay kagawad kung nanaisin ng mga ito. (Danilo Garcia)