Tatlumpung saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ng isang 63-anyos na lalaki makaraang pagsasaksakin ito ng kanyang lasing na pamangkin na nag-aakusa sa una na siyang nagpakulam sa kanyang ama kaya ito namatay kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jaime Montuerto, kakadating lang mula sa Catbalogan, Samar at pansamantalang nanunuluyan sa 1 Langka St. Brgy. Malanday ng nasabing lungsod.
Agad namang naaresto ang suspek na pamangkin na si Michael Abenir, residente rin ng nasabing barangay.
Ayon kay P/Insp. Jose Salazar, hepe ng Criminal Investigation Division ng Marikina Police, naganap ang insidente dakong alas-9:35 ng gabi sa harapan ng bahay na tinutuluyan ng biktima matapos na dumalaw ang suspek dito na lasing mula sa isang inuman ng mabalitaan na nagbakasyon mula sa probinsya ang tiyo.
Matapos na magkita at magkamayan ang mag- tiyuhin ay inaya ng suspek sa labas ng bahay ang biktima at pagdating doon ay agad na kinuha ang patalim na nakatago sa beywang at walang sabi-sabing pinagsasaksak ni Abenir ang kanyang tiyuhin sa likurang bahagi at hindi pa nakuntento sinundan pa ito ng sunud-sunod na saksak sa dibdib ng humarap ito sa kanya.
Matapos ang insidente ay nagtangka pang tumakas ang suspek subalit naaresto din ito ng mga rumespondeng tanod at mga pulis habang sinubukan pang itakbo sa pagamutan ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival.
Sa himpilan ng pulisya, sinabi ng suspek na kaya niya nagawang patayin ang kanyang tiyuhin ay para maipaghiganti nito ang kanyang tatay na nasawi dahil ipinakulam umano ito ng tiyo noong nasa Catbalogan, Samar pa ang mga ito.