Pulis inireklamo sa kotong na P100
Isang pulis-Maynila ang inireklamo ng umano’y pangongotong sa isang mekaniko na hinihingan umano niya ng P100 araw-araw hanggang umabot na ito sa P4,200.
Dumulog sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Section ang biktimang si Gilbert Matias, 26, residente ng 218 Sardonix St., Osmeña, Tondo, upang ireklamo si PO1 Romeo Flores, na nakatalaga sa MPD-Warrant Section.
Sinasabi sa ulat ni PO2 Reginald Delos Reyes ng MPD-GAS na Mayo 2007 pa umano nang magsimulang humingi ng tig-P100 ang suspek sa biktima na may-ari ng isang talyer sa harap ng bahay nila sa Tondo.
Ayon sa salaysay ni Matias, dati umanong nagpapagawa ng sasakyan sa kanya ang pulis hanggang sa binitawan na niya ito pero simula noon ay halos araw-araw na umanong dumadaan sa kanya si Flores at nanghihingi ng P100.
Sinubukang kunin ang panig ni Flores subalit nabatid na hindi na siya pumapasok simula noong “positibo” siya sa surprise drug test na isinagawa sa MPD kamakailan lamang. (Doris M. Franche)
- Latest
- Trending