Tatlo nang suspek ang hawak ng Manila Police District kaugnay sa brutal na pagpatay sa isang pupil ng Saint Paul College na isinilid sa maleta makaraang dalawa pa ang naaresto sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City at Quezon City.
Kinilala ni Chief Insp. Alex Yanquiling, hepe ng MPD-Homicide Section, ang suspek na sina Ramil Dioreco, tubong Tacloban City at residente ng Sitio San Isidro, Pag-asa, Quezon City, at Domingo Agnote, 23, dating guwardiya ng Sunshep Security Agency, ng Dagat-dagatan, Caloocan City.
Ang isa pang suspek na si Raffy Nepa, 25, ng Purok 3 Isla Puting Bato ay nauna nang inaresto noong Sabado ng gabi sa Tondo, Maynila.
Si Dioreco ay inaresto sa squatters area sa Wildlife, Quezon City dakong alas-12:00 ng madaling-araw habang si Agnote ay inaresto naman ng mga kagawad ng Caloocan Police sa Dagat-dagatan Caloocan City dakong alas-11:00 kamakalwa ng gabi.
Ayon kay Yanquilling, ang pagkakadawit ni Dioreco ay bunsod sa salaysay ni Agnote nang ikuwento umano nito ang ginawang pagpatay kay Geraldine Palma, 7, ng 136 4th St. Riverside Village, Barangay Sta Lucia, Pasig City.
Sa salaysay ni Agnote, kasama umano ni Dioreco sina Rosdam, Ramil, Rick-Rick at Henry Tesado na nag-aabang nang mahoholdap hanggang sa namataan nila ang bata na may dalang maleta.
Inamin din ni Agnote na ginahasa umano ang bata bago pinatay at isinilid sa maleta. Itinanggi naman ni Agnote na kasabwat siya at ang tanging nalalaman niya ay ang kuwentuhan ng kanyang mga kaibigan.
Matatandaan na natagpuan ang bangkay ng biktima na nakasilid sa maleta dakong alas-8:00 ng umaga noong Agosto 17 sa Manila International Container Terminal sa likod ng ECD Warehouse, Manila Bay, North Harbor, Tondo.
Nakahubad ang pang-itaas at naka-jogging pants ang paslit at napuluputan ng electrical wire ang leeg nito.
Matapos ang apat na araw ay nakilala ang biktima ng kapatd nitong si Andrew Palma.
Napaulat na nailibing na kahapon ang biktima. (Doris Franche)