LRT kinabitan ng kamera
Mamo-monitor na rin ng mga awtoridad ang sinumang teroristang maaaring magsagawa ng karahasan tulad ng pambobomba sa mga tren ng Light Railway Transit.
Napaulat kahapon na may 47 closed circuit television camera ang ipinakabit ng Light Rail Transit Authority sa mga istasyon ng LRT Line 1.
Sinabi ni LRTA Information Officer Jinky Jorgio na 47 camera ang ikinabit sa 18 istasyon para makita ang mga ginagawa ng mga pasahero ng tren.
Isinagawa ang naturang hakbang para maiwasang maulit ang naganap noong taong 2001 nang magpasabog ng bomba sa LRT sa Maynila ang mga terorista na ikinamatay ng 22 pasahero at ikinasugat ng iba pa.
Ipinaliwanag ni Jorgio na pinaghahandaan ng mga opisyal ng LRT ang posibilidad na may umatake rito para ipaghiganti ang mga bandidong Abu Sayyaf na inaatake ng militar sa Sulu at Basilan.
Nakakabit anya ang mga camera sa mga sensitibong bahagi ng LRT tulad sa pasukan at labasan.
Sinabi rin ni Jorgio na takda ring bumili ng mga metal detector ang pangasiwaan ng LRT bagaman magpapatuloy ang inspeksyon sa mga bagahe ng mga pasahero.
- Latest
- Trending