Tumalon mula sa ika-18 palapag ng isang gusali ng Kassel Condominium sa Malate, Manila ang isang 19-anyos na Business Management student ng De La Salle University sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay kinilala na si Wilfredo Tonogbanua, nanunuluyan sa Room 1805 ng naturang condo minium na nasa panulukan ng Taft Avenue at P. Ocampo St.
Sinasabi ng ilang guwardiya ng gusali na, bandang alas-6 ng gabi, biglang nawalan ng kuryente bago sila nakarinig ng malakas na pagbagsak ng isang bagay sa kanilang harapan.
Nang usisain nila ang bagay na bumagsak ay nakita nila ang katawan ng biktima na nakahadusay sa semento.
Lapnos umano ang harapang bahagi ng katawan ng biktima na hinihinalang bunga ng pagkakakuryente nito.
Ito rin ang dahilan kung bakit nawalan ng kuryente ang gusali dahil tumama ang katawan ng biktima sa linya ng kuryente na naunang sumabit bago bumagsak sa semento.
Tumangging magbigay ng anumang impormasyon ang mga kaanak ng biktima hinggil sa hinihinalang pagpapakamatay nito.