“Gretch, sorry may tatlo akong anak”.
Ito ang malumanay na sinabi ng nahimasmasang Philippine Basketball Association (PBA) star Paul “Bong” Alvarez matapos ang ginawang paniniko, pananabunot at pananapak sa mukha ni ABS-CBN reporter Gretchen Malalad sa loob ng Mandaluyong police kamakalawa.
Subalit ang paghingi ng despensa ni Alvarez ay hindi umubra sa dating karatedo gold medalist na si Malalad at itinuloy pa rin ang kasong physical injury laban sa dating cage superstar.
Kamakalawa ng hapon ay nakapagpiyansa na si Alvarez sa halagang P4,500 sa kinakaharap na kaso na ang mismong lumakad ay si Anabelle Rama, manager naman ng aktres na si Almira Muhlach na asawa ni Alvarez.
Samantala, hindi iniurong ng biktimang si Wilfredo Cabanlit, drayber ng taxi na binugbog ni Alvarez ang kaso taliwas sa report na nakipag-areglo ito sa halagang P5,000 upang iurong ang kasong physical injury laban dito.
Matatandaang kamakalawa ng madaling araw ay hinuli si Alvarez na lango sa alak dahil sa pambubugbog kay Cabanlit at ng nasa istasyon na ng Mandaluyong police ay dumating si Malalad at camera man nito.
Bilang reporter ay kinailangang kunan ng video footage si Alvarez sa loob ng himpilan ng pulisya subalit nagalit ito at nagbanta na wawasakin ang camera kapag itinuloy ang pagkuha sa kanya.
Nagpasya na lang si Malalad na huwag ng kunan ng footage si Alvarez at balak na lang kapanayamin ang biktimang taxi drayber subalit sa pagpasok nito sa istasyon ng puilsya ay siniko ito sa mukha ni Alvarez sabay sabunot kaya gumanti ito at nagpambuno sila sa harapan ng mga pulis na mabilis namang umawat sa kaguluhan. (Edwin Balasa)