Arestado ang tatlong kilabot na holdaper na bumibiktima ng mga negosyante sa Malabon Fish Market makaraang muli silang magbalik sa lugar kahapon ng madaling-araw.
Hindi na nagawang pu malag pa ng mga suspek na sina Rigor Nabablit, 39; Nonoy Pecson, 24, at Jose Domingo 31, nang dakmain ng mga awtoridad.
Sa ulat ng pulisya, noong nakalipas na Agosto 13 ng taong kasalukuyan, biniktima ng mga suspek ang negosyanteng si Yvette Macasaet, 40, biyuda ng Pinagtangulan, Lipa City, Batangas, na natangayan ng P28,000 cash at dalawang unit ng cellphone na nagkakahalaga ng P8,000 habang papasok ang biktima sa loob ng consignacion upang mamili ng isda.
Nabatid na naubos na ng mga suspek ang kanilang kinita noong nakaraang linggo at bumalik muli sa nasabing lugar upang mag-abang ng bagong mabibiktima nang matiyempuhan ito ng mga awtoridad, kasama ang pinakahuling biktima na nagturo kung saan pumupuwesto ang mga ito, walang sabi-sabing dinakma ang nabanggit na mga holdaper ng mga pulis. (Lordeth Bonilla)