Anim na domestic flights patungong Baguio, Palawan at Manila ang kinansela ng Manila International Airport Authority dahil sa masamang lagay ng panahon dulot ng bagyong si Egay kahapon.
Ayon sa MAIA, hindi na pinayagan pang magbiyahe ang mga flights ng Asian Spirits 6K-760 (Manila to Baguio), 6K-761 (Baguio to Manila), 6K-541 (Manila to San Jose, Mindoro), 6K-540 (Mindoro to Manila), 6K-545 (Manila to Palawan) at 6K-544 Manila to Baguio.
Dahil sa paglakas ng bagyong Egay sa northern Luzon na dadaanan ng mga maliliit na eroplano ng Asian Spirits patungong Baguio kung saan itinaas sa signal 1-3 ay napilitan ang pamunuan ng airlines na itigil ang paglipad nito.
Maging ang biyahe ng Asian Spirits patungong Palawan na apektado ng malalakas na hangin ay kinansela din ang flight.
Sa kabila naman ng paglakas ng bagyo ay hindi naman natinag ang malalaking eroplano para sa domestic at international flights sa kanilang biyahe sa iba’t ibang air terminal ng bansa.
Sinabi ng MIAA na tanging ang Asian Spirits ang nagdeklara ng kanilang kanselasyon sa 6 nitong flight. (Ellen Fernando)