40-taon kulong sa lider ng kulto
Hinatulan ng korte ng 40- taong pagkakabilanggo ang isang umano’y lider ng kulto sa kasong kidnapping sa mga babaeng menor de edad na sinasabi niyang kanyang mga miyembro matapos ang ginawang raid ng puilsya noong nakalipas na taon.
Sa isang pahinang desisyon ni Judge Manuel Quiambao ng Marikina Regional Trial Court (RTC) Branch 273, ibinaba niya ang hatol matapos ang ginawang pag-amin ng suspect na si Antonio Dumala Faelnar, 56, sa naturang kaso.
Samantala kasalukuyan pa ring dinidinig sa nasabing korte ang kasong rape laban sa suspect matapos na umamin ang mga batang biktima na hinahalay din sila ng suspect.
Base sa rekord ng korte, naaresto si Faelnar, pinuno ng kultong Global Empire Covenant of the Divine Government ng Marikina police sa kanyang safehouse sa Brgy. Marikina Heights noong Agosto ng nakalipas na taon base na rin sa reklamo ng dati nitong miyembrong sina Jessie Carbonnel at asawa nito na nakatakas sa kamay ng suspect subalit naiwan doon ang anak nilang menor-de-edad.
Sa takot ng mag- asawa na mapaano ang kanilang anak ay nagsumbong ang mga ito sa Marikina police na agad namang kumuha ng search warrant sa korte upang mapasok ang lungga ng suspect.
Naaresto si Faelnar ng pulisya at laking gulat pa ng mga ito ng makitang umaabot pa sa 15 menor de edad na lalaki at babae ang nakita pa sa pangangalaga nito.
Umamin naman ang ibang menor-de-edad na dalagita na ginagahasa sila ni Faelnar.
Sinasabi umano ng suspek sa mga dalagita na bilang isang lider ay kinakailangan nilang ialay ang kanilang katawan bilang sakripisyo.
Tatlo sa mga ito ang nagsampa ng kasong rape sa pulisya na ngayon ay kasalukuyan pang dinidinig sa korte. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending