Nasawi ang isang pulis matapos itong tambangan ng apat na hindi nakikilalang armadong kalalakihan habang ito ay nakikipag-inuman sa isang birthday party kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Malabon.
Nakilala ang nasawi na si PO3 Ludgardo Niedo, 46, taga Gozon Compound, Letre ng nabanggit na siyudad, nakatalaga sa Kampo Crame, nagtamo ito ng tama ng bala sa ulo buhat sa kalibre.45 baril.
Isang follow-up operation naman ang isinasagawa ng mga kagawad ng Malabon City-PNP laban sa apat na suspek, na kaagad na nagsitakas matapos isagawa ang krimen.
Lumalabas sa pagsisiyasat ni PO3 Bobby Mario Egera, naganap ang insidente dakong- alas 8:20 ng gabi sa isang bakenteng lote, sa may Paradise Village, Letre, Brgy. Tonsuya, Malabon City.
Nabatid na kasalukuyang nakikipag-inuman ang biktima sa birthday ng isang kaibigan nito, nang dumating ang mga suspek na pawang mga armado ng kalibre .45 baril at walang sabi-sabing nilapitan at saka pinaputukan ng mga ito ang biktima. (Lordeth Bonilla)