Isang binata ang nasawi, habang sugatan ang ina at kapatid nitong dalagita matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin sa loob ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa lungsod Caloocan.
Hindi umabot ng buhay sa Valenzuela City General Hospital (VCGH) sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng kalibre .45 baril sa katawan ang biktimang si Alfie de Vera, 22, ng #314 Talipapa, General Luis, Barangay Kaybiga ng nabanggit na lungsod.
Inoobserbahan naman sa naturang pagamutan ang ina nitong si Espher, 42, nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng ulo nito at ang kapatid na si Regine, 12, nagtamo naman ng tama ng bala sa kanang binti.
Mabilis namang tumakas ang hindi pa nakikilalang suspek matapos isagawa ang pamamaril.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa loob ng bahay ng pamilya de Vera nang bigla na la mang pumasok ang hindi nakilalang suspek na armado ng kalibre .45 baril.
Nabatid, walang sabi-sabing pinagbabaril ng salarin ang biktima habang ang ina at kapatid nito ay tinamaan naman ng ligaw na bala.
Kaagad na isinugod ng kanilang mga kapit-bahay ang mag-iinang biktima, ngunit si Alfie ay hindi na nakarating ng buhay. Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang motibo at ang pagkakakilanlan ng salarin. (Lordeth Bonilla)