Patay ang isang lalaki habang tatlo pa ang malubhang nasugatan makaraang suyurin ng isang closed van na nawalan ng giya sa harapan ng gate ng isang pabrika sa San Juan City kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Vicente Polioso, 50, habang malubha namang nasugatan ang iba pa na sina Danny Tiamonte, Jupil Soperales at Noel Enriquez, pawang mga trabahador ng Asahi Electrical Manufacturing Corp.
Naaresto naman ang suspect na nakilalang si Danilo Buban, drayber ng nasabing van.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas- 10:15 ng umaga ng mawalan umano ng giya ang closed van na may plakang XEC-962 na minamaneho ng suspect at nagtuluy-tuloy na bumangga sa gate ng nasabing kompanya at eksaktong naroon ang mga biktima.
Direktang nabangga si Polioso ng van matapos pumasok sa compound habang ang tatlo pa nitong kasamahan ay nadaganan ng gate dahilan ng kanilang bali at sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan.
Agad namang isinugod sa Cardinal Santos Hospital ang mga biktima subalit nasawi din si Polioso dahil sa matinding inabot nito sa aksidente.
Kasalukuyang nakapiit ang suspect sa San Juan detention cell habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito. (Edwin Balasa)