Pagpapaliban sa barangay election sa Maynila, sinuportahan
Suportado ng Liga ng mga Barangay sa Maynila at Konseho ng Lungsod ang kahilingan ni Mayor Alfredo Lim sa anim na Kongresista sa lungsod na ipagpaliban ang barangay eleksyon sa Maynila.
Sa naging pahayag kahapon ni Liga President, Councilor Marisa S. Papa iginiit nito na suportado aniya ng mayorya ng 897 bilang ng barangay sa lungsod ang pagpapaliban ng eleksyon.
Aniya, higit umanong makabubuti ito para sa mga Manileño sakaling pagbigyan ng Kongreso ang nasabing kahilingan.
Magugunitang, personal na pinakiusapan ni Lim ang mga Kongresista sa lungsod upang bigyan daan ang pagbuhay sa Ordinance No. 7907 na pinagtibay noong 1996 na nag-uutos sa pagpapaliit ng bilang ng barangay mula sa 897 sa 120.
Ayon kay Papa, ang kahilingang pagpapaliban ng naturang eleksyon sa Maynila ay pansamantala lamang at posible rin umanong isagawa sa ika-tatlo o ikaapat na buwan sa taong 2008.
Iginiit nito na kinakailangan lamang umanong repasuhin at ayusin ng Manila City Council ang mga panukalang nakapailalim sa nabanggit na ordinansa upang tuluyan itong maipatupad.
Subalit iginiit naman ng mga Konsehal na masyado umanong maliit ang panukalang 120 bilang ng barangay.
Mas makabubuti aniya kung gagawin itong 150 o pataas depende pa rin aniya sa income population at land area ng pag-iisahing barangay. (Doris Franche)
- Latest
- Trending