Kelot ginilitan

Isang lalaki ang natagpuang wala nang buhay na nakahan­dusay sa isang kalsada makaraang gilitan ito sa leeg ng hindi nakikilalang suspek, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Nakilala ang biktima na si Conrado Tindoc, 47, may-asawa at residente ng #64 San Roque street, Barangay Bagong Bayan ng naturang lungsod. Sa inisyal na ulat, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-9:45 ng gabi na nakahan­dusay sa kalsada sa tapat ng Bagong Bayan Fire Station, San Roque St., Bagong Bayan, Quezon City.

Ayon sa pulisya, nagawa pang makatakbo ni Tindoc matapos na atakihin siya ng hindi pa nakikilalang suspek patungo sa direksyon ng San Pablo St. kung saan dito na ito inabutan ng kamatayan.

Mabilis na tumakas  ang suspek  kung saan naiwanan pa nito ang 12 pulgadang patalim na ginamit sa krimen. Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang mahuli ang suspek kung saan isinasailalim sa laboratory examination ang patalim para matukoy ang finger print.

Inaalam rin ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen at mga naging kagalit ng biktima. (Danilo Garcia)

Show comments