Lalaki hindi tinanggap sa trabaho, nang-hostage
Nagawang i-hostage ang isang opisyal ng isang manpower agency ng isang lalaki na armado ng isang mahabang itak matapos na maburyong nang hindi mabigyan ng trabaho sa kanyang pag-aaplay, kahapon sa Quezon City.
Nakaditine ngayon sa Quezon City Police District-Station 3 (Talipapa) ang suspek na nakilalang si Gilbert Sacota, tinatayang nasa 20-anyos pataas habang hindi naman nasaktan ang kanyang hinostage na si Irgie Arcala, officer-in-charge ng Triple I Manpower Agency.
Sa inisyal na ulat ng QCPD, sinabi ni Arcala na pumasok sa kanilang tanggapan na ma tatagpuan sa panulukan ng Visayas Avenue at Tandang Sora dakong alas-8 ng umaga ang suspek na si Sacota na armado na ng isang mahabang itak. Agad na pinalabas ng suspek ang ibang empleyado at aplikante ng kompanya at hinostage si Arcala.
Ini-hang rin ng suspek ang lahat ng telepono ng kompanya kaya dakong alas-11 ng umaga lamang nabatid ng pulisya ang nagaganap na panghohostage. Rumesponde naman ang mga tauhan ng QCPD-Mobile Patrol unit sa pangu nguna ni Supt. Raul Medina.
Tumagal halos limang oras ang naturang hostage -taking matapos na sumuko kay Supt. Medina ang suspek dakong ala-1 na ng hapon nang pumuwesto na ang tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) na naghahanda na sa pag-atake.
Sinabi pa ni Arcala na nag-aplay ng trabaho bilang factory worker si Sacota nitong nakaraang Sabado ngunit dahil sa pawang expired na lahat ng requirements na dala nito tulad ng NBI clearance ay pinabalik na lamang ito. Nagalit naman si Sacota nang hindi ibalik sa kanya ang P40 na ibinayad niya bilang registration fee.
Patuloy na isinasailalim sa imbestigasyon ang suspek na si Sacota upang mabatid kung nasa impluwensya ito ng droga o alak habang inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban dito. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending