Ikinasa na kahapon ng Southern Police District (SPD) ang pagpapaigting ng seguridad para sa gaganaping Association of South East Asian Nation (ASEAN) Economic Ministerial Conference na gaganapin sa Makati Shangrila Hotel sa Agosto 15 hanggang 28. Kaugnay nito isinailalim na kahapon sa mahigpit na inspeksiyon at pagsasanay ang crowd dispersal unit ng SPD para matiyak na kumpleto ang kanilang kagamitan sakaling kailanganin ang kanilang serbisyo laban sa mga grupong posibleng magsagawa ng kaliwa’t kanang demonstrasyon o rally sa nasabing pagtitipon. Ayon kay SPD Director Chief, Supt. Roberto Rosales, sila ang inatasang mangalaga sa seguridad ng mga delegado at sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan habang isinasagawa ang nasabing pagpupulong ng mga kasapi ng ASEAN. Sinabi pa nito na nakahanda na rin ang kanilang plano at estratehiya upang hindi malusutan ng mga raliyista. Gayundin, nakahanda rin silang umayuda sakaling kakailanganin ang CDM ng SPD kaugnay sa nalalapit na pagbasa ng hatol kay dating Pangulong Joseph Estrada na tiyak na dudumugin ng mga loyalista sa Sandiganbayan sa Lunes. (Rose Tamayo-Tesoro)