3 holdaper todas sa shootout

Tatlong hinihinalang mga holdaper ang nasawi matapos na maki­pagbarilan sa mga ta­uhan ng Quezon City Police Dis­trict (QCPD) sa magka­hiwalay na insidente, kahapon ng ma­daling-araw sa naturang lungsod.

Patuloy na kinikilala ng pu­lisya ang tatlong suspek na napaslang ng pulisya sa halos magkasunod lang na eng­kuwentro sa Brgy. Tatalon at Brgy. Old Balara sa Quezon City. Dakong ala-1 ng madaling-araw nang matiyempuhan ng mga nagrorondang tauhan ng QCPD Mobile Patrol unit ang naga­ganap na holdapan sa isang pampasaherong jeep sa ka­habaan ng Quezon Avenue sa tapat ng Sto. Domingo Church.

Agad na nagkanya-kanyang takbuhan ang limang suspek na hinabol ng mga pulis. Nasukol naman ni C/Insp. Nicolas Torre ang isa sa mga suspek na agad umano siyang pinaputukan na ginanti­han naman niya.  Nasawi sa palitan ng putok ang suspek matapos na tumulong ang ibang pulis sa engkuwentro.

Nadakip naman sa follow-up operation ang dalawang ka­sabwat na holdaper na nakila­lang sina Randy Cardenas at Jun Corbia.  Inamin naman ng dalawa na kasama nga sila sa panghoholdap ngunit nayaya lamang umano sila ng dalawa pang suspek na naka­takas. Sinabi ng dalawa na naka­inuman lamang nila ang mga kasa­ma­han at niyaya sila na mag-trip sa pamamagitan ng panghoholdap upang kumita.

Narekober sa kanilang po­sesyon ang mga pitaka, cell­phone at mga alahas buhat sa kanilang mga biktima at mga patalim na ginamit sa pananakot sa mga pasahero ng jeep. Da­kong ala-1:10 naman ng ma­daling-araw nang mapaslang ang dalawa pang hinihinalang holdaper ng mga tauhan ng QCPD-Station 6.  Nabatid na sinita ng mga pulis ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo na walang plaka at pabalik-balik sa footbridge sa Commonwealth Avenue at Feria St. sa Brgy. Old Balara na tila naghihintay ng mabi­biktima.

Ayon sa ulat, agad na pina­putukan ng mga suspek ang mga pulis na gumanti upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Wala nang buhay nang bumag­sak ang dalawang suspek ma­tapos na humupa ang barilan.

Show comments