3 holdaper todas sa shootout
Tatlong hinihinalang mga holdaper ang nasawi matapos na makipagbarilan sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkahiwalay na insidente, kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.
Patuloy na kinikilala ng pulisya ang tatlong suspek na napaslang ng pulisya sa halos magkasunod lang na engkuwentro sa Brgy. Tatalon at Brgy. Old Balara sa Quezon City. Dakong ala-1 ng madaling-araw nang matiyempuhan ng mga nagrorondang tauhan ng QCPD Mobile Patrol unit ang nagaganap na holdapan sa isang pampasaherong jeep sa kahabaan ng Quezon Avenue sa tapat ng Sto. Domingo Church.
Agad na nagkanya-kanyang takbuhan ang limang suspek na hinabol ng mga pulis. Nasukol naman ni C/Insp. Nicolas Torre ang isa sa mga suspek na agad umano siyang pinaputukan na ginantihan naman niya. Nasawi sa palitan ng putok ang suspek matapos na tumulong ang ibang pulis sa engkuwentro.
Nadakip naman sa follow-up operation ang dalawang kasabwat na holdaper na nakilalang sina Randy Cardenas at Jun Corbia. Inamin naman ng dalawa na kasama nga sila sa panghoholdap ngunit nayaya lamang umano sila ng dalawa pang suspek na nakatakas. Sinabi ng dalawa na nakainuman lamang nila ang mga kasamahan at niyaya sila na mag-trip sa pamamagitan ng panghoholdap upang kumita.
Narekober sa kanilang posesyon ang mga pitaka, cellphone at mga alahas buhat sa kanilang mga biktima at mga patalim na ginamit sa pananakot sa mga pasahero ng jeep. Dakong ala-1:10 naman ng madaling-araw nang mapaslang ang dalawa pang hinihinalang holdaper ng mga tauhan ng QCPD-Station 6. Nabatid na sinita ng mga pulis ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo na walang plaka at pabalik-balik sa footbridge sa Commonwealth Avenue at Feria St. sa Brgy. Old Balara na tila naghihintay ng mabibiktima.
Ayon sa ulat, agad na pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis na gumanti upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Wala nang buhay nang bumagsak ang dalawang suspek matapos na humupa ang barilan.
- Latest
- Trending