Arestado ang isang pulis-Maynila ng mga kasamahan nito matapos na tanggapin ang P10,000 kapalit ng kalayaan ng kanyang inaresto sa loob mismo ng police station sa Tondo, Maynila, kahapon.
Nakilala ang dinakip na si PO2 Edgard0 Gone, 40, nakatalaga sa MPD-Station 1. Inaresto si Gone bunsod na rin ng reklamo ni Engr., Luisito Tan, 23, binata, ng 847 Tahimik St., Tondo.
Ayon sa ulat dakong ala- 1:30 ng hapon nang arestuhin ang pulis na suspect sa loob ng tanggapan ng Special Reaction Unit (SRU) ng MPD-Station 1. Sa ibinigay na salaysay ni Tan, dakong alas-9:00 noong Lunes ng gabi ay inaresto umano ang kapatid niyong si Lailanie Tan ng mga operatiba ng MPD-Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng MPD-Station 1 sa Del Pan St., Tondo dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa pagbebenta ng droga, gayunman hindi kinasuhan si Lailanie kundi kinausap siya ng pulis at hinihingan ng P20,000 kapalit ng kanyang kalayaan.
Bunga nito’y agad na nagsumbong si Tan sa mga awtoridad na naghanda ng operation laban sa kanilang kabaro. Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Art. 294 RPC (Robbery Extortion) sa Manila City Prosecutor’s Office si Gone. (Grace dela Cruz)