Lider ng ‘rent-a-car carnap gang’ tiklo

Nakapuntos laban sa car­napping ang Quezon City Police District (QCPD) mata­pos na madakip ang hinihi­nalang lider ng grupong tina­guriang “Rentas Dugas Gang” sa tapat ng isang fastfood chain, ka­makalawa sa natu­rang lungsod.

Nakilala ang nadakip na si   Joselito Kirch, residente ng Don Antonio Heights Sub­di­vi­sion, Quezon City habang pi­nag­­hahanap pa ang asawa nito na si Bernadette Briones-Kirch.

Binanggit sa ulat, nadakip si Kirch sa harap ng isang fast­food sa may E. Rodriguez Avenue, Quezon City dakong alas-10:30 ng umaga ma­tapos ang dalawang buwang follow-up operations.  Ito’y ma­tapos na magtago ang suspek nang sampahan ng kaso ng kan­yang mga kasamahan sa ne­gosyo na kanyang tinanga­yan ng mga sasakyan at salapi.

Nabatid na nahaharap si Kirch sa mga standing warrant of arrests sa iba’t ibang korte sa Metro Manila sa kasong mul­tiple carnapping at estafa.  Nagpalabas rin ng pabuya na residential lot‚ sa Brgy. Bata­san Hills, Quezon City ang Padilla and Associates Law Office para sa magbibigay ng impormasyon sa ikakadakip ni Kirch at ng asawa nito.

Napag-alaman na  sangkot sa rent-a-car business  si Kirch at asawa ngunit nagkipag­sabwatan sa mga kriminal.  Modus-operandi ng grupo na magpanggap na aarkila ng sasakyan sa rent-a-car ni Kirch ngunit hindi na ito iba­balik.

Mapupuwersa naman ang mga kasosyo sa negosyo ni Kirch na may-ari ng tinangay na sasakyan na mag-ulat ng kaso ng carnapping  na siyang dahilan kung bakit umaakyat ang bilang ng insidente ng pagkawala ng sasakyan sa Quezon City.

Natuklasan naman ng ilang mga kasamahan sa negosyo ang modus-operandi ni Kirch na nagsampa ng kaso sa pulisya ngunit agad na nag­tago ito matapos na maka­tunog.

Show comments