1 todas, 2 sugatan sa rambol

Isa ang nasawi, habang dalawa pa ang malubhang nasu­gatan sa rambol na naganap sa dalawang magkalabang grupo, kama­kalawa ng gabi sa Quezon City.

Hindi na umabot ng buhay sa East Avenue Medical Center ang biktimang nakilalang si Edmond Bautista, 24, residente ng Riverside Extension, Brgy. Commonwealth, Quezon City, matapos na mag­tamo ito ng tama ng bala sa katawan.

Isinugod rin sa naturang pagamutan ang mga sugatan na sina Edwin Buenaobra, 36, na tinamaan ng bala sa hita at Jojo del Rosario, na nasaksak naman sa hita.

Naaresto naman ng pulisya ang isa sa mga suspek na si Sherwin Siladan, 23,  at residente rin ng naturang barangay habang pinaghahanap pa ang tatlo pa nitong kasamahan.

Sa ulat ng Quezon City Police District, naganap ang insi­dente dakong alas-11 ng gabi sa Riverside Ext. Naglalakad ang tatlong biktima nang makasalubong ang grupo nina Siladan na nagresulta sa rambol. Lingid sa kaalaman ng mga biktima, armado ng baril at patalim ang mga suspek sanhi upang ma­agrabyado ang mga ito. Mabilis na nagsitakas ang mga suspek matapos ang insidente.

Nagsagawa naman ng follow-up operation ang pulisya na nag­resulta sa pagkakaaresto ng suspek na si Siladan habang tuluyang nakatakas na ang kanyang mga kasabwat. Nabatid naman na matagal nang magkalaban ang dalawang grupo na nagga­gantihan kapag may naaagrabyadong kasamahan. (Danilo Garcia)

Show comments