Pamilyang Tsinoy biktima ng ‘Gapos gang’
Ginapos na parang baboy ang isang pamilya ng Tsinoy matapos na looban at pagnakawan ang mga ito ng P2 milyon halaga ng cash at mamahaling alahas sa Ermita, Maynila kahapon ng umaga.
Ang biktimang si Anthony Lim, 34, may-asawa, doktor sa Metropolitan Hospital at Chinese Hospital, residente ng 1531 F. Agoncillo St., Ermita, Manila ay personal na dumulog sa Manila Police District-Theft and Robbery Section.
Inilarawan ang mga suspek na pawang mga kabataan na nasa gulang na 20-23, may taas na 5’5’’ hanggang 5’8’’, payat ang pangangatawan at armado ng baril at patalim.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa bahay ng pamilya Lim.
Ayon kay Anthony sinalisihan umano ng mga nasabing suspects ang asawa nitong si Flora nang ito ay lumabas kasama ang kanilang maid na si Rosita Diagmos upang magtapon umano ng basura, kung saan nang makapasok ay puwersahan silang pinapasok sa 3rd floor ng kanilang bahay.
Pagdating sa loob ng kanilang bahay, tinutukan umano sila ng baril at iginapos silang mag-asawa kabilang ang apat nilang anak, dalawang maid, maliban sa kanyang tatay na si So Ong Lim, 75. Habang iginagapos sila, sinimulan ng mga kasamahan nila na halughugin ang kanilang bahay at tinangay ang P800,000 cash, mamahaling mga alahas, relo at kagamitan na umaabot sa P2 milyon. Matapos ang pagnanakaw ay mabilis umanong nagsitakas ang mga di kilalang suspects.
Nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa ikadarakip at pagkakakilanlan sa mga nabanggit na suspects. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending