Mga buntis ‘ban’ muna sa PGH
Pansamantalang itinigil ng pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) ang pagtanggap ng mga manganganak dahil hindi na umano nila kayang i-accommodate sa pagamutan.
Kaugnay nito, pinayuhan ni PGH spokesman Dr. Michael Tee ang mga buntis na manganak na lamang sa ibang pagamutan. Paliwanag ng doktor, biglaang lumobo ang bilang ng mga bagong panganak na sanggol sa kanilang pagamutan.
Magtungo man umano ang mga pasyente sa PGH ay ire-refer lamang sila sa ibang pagamutan kaya’t mas makabubuti na idiretso na ang mga ito sa ibang ospital.
Nabatid na umaabot lamang sa 45 sanggol ang kayang i-accommodate ng nursery ng PGH ngunit ngayon ay 90 sanggol na umano ang naroroon.
Hindi naman binanggit ni Tee kung kailan sila magsisimulang tumanggap muli ng mga buntis na pasyente.
Gayunman, sinabi ng doktor na nakipag-ugnayan na sila sa ibang mga pagamutan at mga government institutions upang mailipat doon ang ilang mga sanggol na nasa kanilang pangangalaga para mabigyan ng mas sapat na atensyon ang mga ito.
Samantala, nagpahayag rin ng pangamba si Tee na maapektuhan ng dinaranas na “dry spell” o tagtuyot ng bansa ang operasyon ng PGH na posibleng mauwi sa krisis sa tubig at enerhiya. (Doris Franche)
- Latest
- Trending