Hindi nang-alok ng tagay, kinatay

Nilaslas ang  leeg at saka pinagsasaksak  ang isang pedicab driver ng kanyang kapitbahay dahil napikon ang suspek nang hindi siya alukin ng tagay ng alak ng biktima, kamakalawa ng gabi sa Navotas City. Idineklarang dead-on-arrival sa  Navotas Lying-In Clinic ang biktimang  si Julito Jose, 28, ng Tulay 4, Tabing Dagat, Brgy. Daang Hari ng nabanggit na lungsod. Kasa­lukuyan namang nagsa­sagawa ng manhunt operation ang mga elemento ng Navotas City-PNP laban sa suspek na nakilala lamang sa “alyas Bombit”, kapitbahay ng biktima na mabilis na tuma­kas matapos ang insidente. Naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng gabi sa harapan ng bahay ng biktima sa naturang lugar. Nabatid, unang nakitang nakikipag-inuman ang biktima sa tiyuhin nito kung saan ay naroon din ang suspek na hindi man lamang inalok ng tagay ni Jose. Hindi pa nakuntento sa kanyang ginagawa ay pinagsabihan pa ng biktima ang suspek na kung gusto nitong uminom ay bumili ito ng alak dahilan upang lalong maasar sa galit si Bombit. Mabilis na binunot ng suspek ang kanyang dalang patalim at agad nitong sinaksak ang  biktima at   hindi pa nakuntento ay nilaslas pa   ang leeg nito. (Lorderth Bonilla)

Show comments