3 sako ng pampasabog nasabat
Nasamsam ng mga kagawad ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong sako ng “ammonium nitrate” na ginagamit sa pampasabog, sa loob ng isang pampasaherong barko kamakalawa ng gabi papuntang Coron, Palawan, habang nakahimpil sa Pier 2, ng Manila North Harbor.
Ipinaliwanag ni PCG Spokesman Lt. Grade Armand Balilo na naamoy ng K9 dog ng Sea Marshall ng PCG ang mga nabanggit na pampasabog matapos na magsasagawa ng inspeksiyon sa M/V Catalyn C na nakalagay sa likurang bahagi ng passenger deck dakong alas-9:30 ng gabi.
Nabatid na paalis na sa Pier 2 papuntang Coron, Palawan ang barko ng masabat ang mga pampasabog na tinatayang nasa 75 kilo. Nasa loob umano ng tatlong kahon ang mga nasabat na ammonium nitrate bago ito ipinasok sa loob ng tatlo pang sako. Gayunman, hindi naman natukoy ng PCG kung sino ang nagmamay-ari ng nabanggit na kargamento.
Ipinaliwanag ni Balilo na kung nakalusot umano ang mga ammonium nitrate ay tiyak na magdudulot ito ng pinsala, lalo pa kung ito ay talagang gagamitin upang manggulo. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending