Doktorang abortionist, tiklo ng NBI
Kinilala ni NBI Director Nestor Mantaring ang doktorang suspect na si Teresita Delizo-Ventura, Medical Officer V ng MHD at residente ng 919 Leo St.,Sampaloc, Manila.
Dinakip din sa hiwalay na operation ang asawa nitong si Manuel Ventura matapos na magtangkang suhulan ng halagang P100,000 ang mga umarestong ahente ng NBI sa kanyang misis.
Bago ito, isang report umano ang natanggap noong Hulyo 9 ng NBI kaugnay sa isang “make-shift” clinic sa Maynila na ginagamit bilang abortion clinic. Sa naturang impormasyon ng NBI isang Dra. Ventura ang nagsasagawa umano ng abortion procedure sa kanyang bahay kung kaya’t kumuha ng isang buntis na asset ang ahensiya na siyang nakipag-deal kay Ventura para ipa-abort ang kanyang sanggol sa halagang P10,000.
Inihanda ang entrapment noong Hulyo 26 at sa aktong isasagawa na ang abortion sa asset ay doon na sinalakay ng NBI ang klinika ng suspect. Bunga nito’y dumating ang asawa ng suspect na si Manuel at kinausap ang NBI agent na si Rodrigo Mapoy na pakawalan na ang suspect kapalit ng halagang P100,000 at nang ilagay ang pera sa lamesa ni Mapoy ay kaagad na inaresto si Manuel. Kapwa nahaharap ngayon sa kasong medical malpractice at bribery ang mag-asawa. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending