Tumalon mula sa ika-labingwalong palapag ng condominium ang isang Koreana na naging sanhi ng kanyang kamatayan kahapon ng madaling-araw sa Malate, Maynila. Kinilala ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homidice division ang biktima na si Min Young Bu, isang Korean national na nag-aaral sa University of Manila.
Ang naturang Koreana ay tumalon mula sa kanyang condominium unit sa 18th Floor ng Baywatch Tower sa M.H.Del Pilar St., Malate dakong alas-4 ng madaling-araw kahapon. Sa ulat ni Bautista, tinangka pa umanong pigilan ng mga kaibigan ng biktima na nakilalang sina Jou Mi Hye at Jeong Soon Lee ang ginawang pagtalon nito sa veranda ng kanilang unit ngunit hindi ito nagpapigil.
Lumalabas din sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na posibleng mas pinili na lamang umano ng biktima na magpakamatay dahil sa nahihirapan umano ito sa kinukuhang kursong executive management. Sa ibinigay na pahayag sa pulisya ng mga nabanggit na kaibigan ng biktima, maaaring nagpakamatay umano ito dahil sa umano’y maltreatment na nararanasan nito.
Hindi naman inilahad ng mga ito kung anong uri ng pagmamaltrato ang nararanasan ng biktima. Maging ang security ng nasabing gusali ay rumesponde rin upang pigilan ang pagpapakamatay ng biktima ngunit hindi na nila ito naabutan.
Gayunman, tinangka umano ng ilang kawani ng Korean Embassy na kunin ang bangkay ng biktima ngunit hindi ito ibinigay ng pulisya dahil magsa sagawa pa umano nang malalimang imbestigasyon upang matiyak na walang foul play na naganap sa insidente. (Grace dela Cruz)