Coed natusta sa sunog
Nalitson nang buhay at halos di na makilala ang bangkay ng isang 18-anyos na nursing student ng De La Salle University, habang sugatan naman ang ina at dalawang kapatid nitong lalaki matapos ang una ay makulong sa nasusunog nilang bahay, kahapon ng umaga sa Pasay City.
Putol rin ang ilang parte ng katawan ng biktimang si Ella Reyes nang matagpuan ng mga arson investigators sa natupok nilang bahay sa 2162-H Laging Handa st. cor. Villaruel St., makaraang maapula ang sunog dakong alas-7:30 ng umaga.
Sugatan ang ina ng biktima na si Virginia Reyes, 52; at mga kapatid na sina Ken, 9; at Christopher, 7, na pawang isinugod sa Manila Sanitarium Hospital bunga ng mga paso sa katawan.
Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog dakong alas-6:01 ng umaga nang bigla na lamang sumiklab ang apoy sa bahay ng pamilya Reyes sa hindi pa malamang dahilan.
Mismong ang nasawing si Ella pa umano ang tumawag ng bumbero sa pamamagitan ng telepono upang humingi ng tulong matapos magsimulang lumiyab ang kanilang tirahan.
May hinala ang mga imbestigador na posibleng nagbalik sa loob ng nasusunog nilang bahay ang biktima sa pag-aakalang nakulong na rito ang kanyang ina at mga kapatid na naging dahilan upang siya ang masunog.
Nakuha ang sunog na bangkay ng biktima, malapit sa pintuang palabas na ng bahay. Bukod naman sa tirahan ng pamilya Reyes, nadamay din sa naganap na sunog ang tirahan ng kanilang kapitbahay makaraang umabot sa ikalawang alarma ang sunog. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending