Sunog sa CA: Records ng mga kaso naabo
Posibleng maaapektuhan ang mga kasong nakabinbin sa Court of Appeals (CA) matapos na tupukin ng apoy ang isang tanggapan ng mahistrado dito kahapon sa Maria Orosa St., Ermita, Maynila.
Ayon kay Manila Firemarshal Pablo Cordeta, ang sunog ay nagsimula pasado alas-12 ng umaga sa kuwarto ni Second Division Senior member Associate Justice Edgardo Sundiam.
Naapula naman ito dakong ala-1 ng hapon. Nakatulong naman ang malakas na pag-ulan kaya agad na napatay ang sunog.
Nadamay sa naturang sunog ang ilang kalapit-kuwarto ni Sundiam kung kaya’t minabuti naman ni CA Presiding Justice Ruben Reyes na pauwiin na lamang ang mga kawani nito.
Inaasahan naman na maaapektuhan ang mga kasong hawak ni Sundiam dahil sa pagkatupok ng mga rekords ng kaso dito.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy na iniimbestigahan ni Cordeta ang sanhi ng naturang sunog.
Itinanggi naman ni Associate Justice Sundiam na nagmula sa kanyang kuwarto ang apoy na tumupok sa bahagi ng CA building at umabot sa ika-limang alarma.
Ayon kay Sundiam, wala umano siyang nakitang apoy sa loob ng kanyang kuwarto ng siya ay pumasok dito kundi tanging mga usok lamang na nagmumula sa kisame.
Hinihinala naman na faulty electrical wiring ang naging sanhi ng sunog matapos na makita ng isang security guard na nag-spark umano ang aircon ni Justice Sundiam. (Grace Amargo-dela Cruz)
- Latest
- Trending