Madugong b-day party: 3 todas

Nauwi sa trahedya ang isang masayang birth­day party makaraang tatlo katao ang nasawi at habang dalawa pa ang nasa kritikal na kondisyon  nang pagbabarilin ang mga ito ng tatlong kala­lakihan na pawang mga naka-motorsiklo, kama­kalawa ng gabi sa lung­sod ng Caloocan.

Patay na nang idating sa E. Rodriguez Memorial Hospital ang mga biktima na sina  Pablo Ariel, 31,  security guard; Gerardo Tacalan, 38 , mekaniko  at isang “alyas Stephen”. Ang tatlo ay pawang  nag­tamo ang mga tama ng bala sa kanilang katawan. 

Nilalapatan naman ng lunas  sa East Avenue Me­dical Center (EAMC) ang mga biktima na nasa kritikal na kondisyon, na nakilalang  sina Liezel Ro­quin, 15, estudyante at Jay Napigkit, 34,  kapwa residente ng Rimas St., Amparo Sub­division, Ba­rangay 179 ng nabanggit na lungsod.

Naaresto naman ng pu­lisya sa isinagawang   follow-up operation ang mga suspek na sina  Gary Buenaventura; Jun Go­pez, 43; at Jordan Hipo­lan, 39, pawang mga re­sidente ng Lot 10, Aguho Street, Amparo Subdi­vision, Caloocan City.

Ayon sa pagsisiyasat nina  SPO2 Diocroso Do­mingo at PO1 Rhustom Ocampo, ng Station In­ves­tigation Branch (SIB), Caloocan City-PNP, da­kong alas-8 ng gabi nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng may kaarawan na si Do­mingo Roquin na mata­tagpuan sa Rimas St., Amparo Sub­d., Brgy. 179 ng nasabing lungsod.

Nabatid, kasaluku­yang nag-iinuman ang mga nabanggit na biktima nang biglang dumating ang tatlong suspek sakay sa magkahiwalay na mo­torsiklo kung saan walang sabi-sabing nagpaulan  ng bala ng baril. 

Ilang saglit lamang ay duguang humandusay ang mga biktima, nagre­sulta ito nang pagkasawi ng tatlo katao at nasa kri­tikal naman ang dalawa pa. Mabilis na nagsitakas ang mga suspect na na­da­kip din sa isinagawang follow-up operation. Ina­alam pa ng pulisya kung ano ang motibo sa isina­ga­wang pamamaril ng mga salarin.

Show comments