Dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng utang, muntik nang mamatay ang isang 25-anyos na lalaki matapos na i-hostage ng dalawang araw ng pinagkakautangan nito kahapon sa Quiapo, Maynila.
Ang biktima ay kinilala ni Chief Insp. Ganaban Ali, commander ng Police Community Precinct-Carlos Palanca, na si Gerry Balaong, residente ng Brgy. San Andres, Cainta, Rizal.
Sinabi ng biktima sa pulisya na noong July 21 ay tinawagan siya ng isang nagngangalang “Alex”, isang negosyanteng Muslim at umano’y pinapupunta siya sa Islamic Center.
Dahil dito’y pinagbigyan umano ng biktima ang paanyaya ni Alex ngunit pagdating doon ay hindi na ito pinalabas hangga’t hindi nito binabayaran ang P25,000 utang mula sa mga kinu hang DVD players.
Una rito’y nakatanggap na umano ng report ang pulisya mula sa isang concerned citizen kaugnay sa pagkakakulong ng biktima at ito ay papatayin na umano. Bunga nito’y agad na nagsagawa ng operation ang grupo ni Ali upang mai-rescue ang biktima.
Ipinaliwanag naman ng biktima na wala umano siyang pagkakautang kay Alex kundi ang kumpare nitong si Freddie.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang naturang suspect at nakatakdang sampahan ng kasong illegal detention at attempted murder. (Grace dela Cruz)