Mister nakonsensiya sa pangangaliwa, nagbigti

Dahil sa matinding tama ng konsensya sa ginawang pambababae sa kabila na kapapanganak pa lamang ng misis, winakasan ng isang lalaki ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti gamit ang isang tuwalya sa loob ng kanyang bahay, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Malamig nang bangkay nang matagpuan si Ruel Lalaguna, 26, may-asawa, factory worker, at residente ng Area 5 Sitio Cabugao, Brgy. Sauyo, Novaliches, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Station 4, natagpuan ang bangkay ni Lalaguna dakong alas-9 ng gabi ng kasintahan nitong si Ma. Theresa Tumampoc sa loob ng bahay nito.

Ayon kay Tumampoc, bago ang pagpapakamatay ay nakipagkita pa sa kanya si Lalaguna at sinabing nakokonsensya siya dahil sa kanilang bawal na relasyon sa kabila na kapapanganak lamang ng kan­yang tunay na misis.  Umiyak pa umano ito sa kanya at sinabing mahal na mahal siya nito.

Nangamba naman si Tumampoc sa kalagayan ni Lalaguna dahil sa nag-iisa lamang ito sa kanyang bahay habang nasa ospital ang misis kaya niya pinuntahan.  Dito nito nadiskubre ang pagbibigti ng biktima gamit ang isang mahabang tuwalya sa loob ng bahay nito.

Patuloy naman ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matiyak na walang naganap na foul play sa pagbibigti ng biktima kung saan inulila nito ang bagong panganak na sanggol. (Danilo Garcia)

Show comments