Rambulan at saksakan
Dahil sa hindi matugunan ng Commission on Elections ang suliranin sa mahabang pila ng registration para sa halalan sa barangay at sangguniang kabataan, muntik nang mamatay ang isang 22-anyos na delivery boy matapos na saksakin ito ng isang vendor habang nakapila sa tanggapan ng Comelec kahapon sa Arroceros, Maynila.
Ang biktimang si Mark Anthony Salay, residente ng 858 Area A., Parola, Binondo, Maynila ay ginagamot sa Ospital ng Maynila dahil sa tinamong saksak nito sa kanyang tagiliran.
Agad na nadakip ng pulisya ang suspek na si Jaymar Salameda, 22, vendor, naninirahan sa 532 C.P. de Guzman, Quiapo.
Bukod kay Salameda, arestado din sina Jomar Deroy, 19 ng Gate 58 Area 4, Binondo, Manila at Reynalde Fabaricante, 23, vendor, ng 532 Quezon Blvd., Quiapo.
Nakapila bandang tanghali sa harapan ng gusali ng Comelec ang biktima at mga suspek para magparehistro sa nalalapit na Barangay Election sa Oktubre nang magbiro umano ang biktima at itapon ang hawak niyang bote ng mineral water.
Bunga nito, nabasa ng lamang tubig ang suspek kaya nagtanong ito kung sino ang nagtapon ng bote ng mineral water at nang ituro ang biktima ay walang sabi-sabing naglabas ito ng kutsilyo at itinarak sa tagiliran ng biktima.
Ang pagkakagulo ng dalawa ay sinamantala rin ng iba pang nakapilang kabataan upang maglabu-labo at magsuntukan na nagresulta sa pagkakaaresto ng iba pang suspek.
- Latest
- Trending