Patay ang isang lasing na jeepney barker makaraang pagtulungang saksakin ng dalawang pahinante ng trak ng gulay matapos na makipagtalo dito, kamakalawa ng gabi sa Quezon City. Natagpuan na wala nang buhay sanhi ng anim na saksak sa katawan ang biktimang nakilalang si Melvin Monje, nasa legal na edad, may-asawa, at residente ng Brgy. Nova Proper, Novaliches, ng naturang lungsod. Pinaghahanap naman ngayon ang dalawang lalaking pahinante ng isang trak ng gulay na sinasabing sumaksak at nakapatay sa biktima. Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-11 ng gabi nang madiskubre ng mga residente sa Lapu-lapu St., Brgy. Nova Proper ang duguang bangkay ni Monje. Ayon sa misis nito na si Rosalie, nakipag-inuman ang kanyang mister na si Monje sa kanyang mga kamag-anak. Isang tricycle driver naman ang lumutang at sinabing nasaksihan nito ang pagpaslang kay Monje ng dalawang pahinante ng isang trak ng gulay. Sinabi nito na pasuray-suray na tumatawid ang biktima sa Lapu-lapu St. nang businahan ng driver ng trak. Dito pinaghahampas ng galit na si Monje ang trak sanhi upang bumaba ang dalawang pahinante at pagsasaksakin ang biktima. Mabilis namang tumakas ang mga suspek matapos ang krimen. (Danilo Garcia)
Miyembro ng Viva Hotbabes hinoldap
Isang miyembro ng Viva Hotbabes ang natangayan ng P100,000 halaga ng cash at mga gamit at muntik nang masaksak matapos na holdapin ito habang sakay ng isang taxi sa Sta. Mesa, Manila. Ang artistang si Jaycee Parker o Joan Crystal Bejasa sa tunay na buhay, 22, at residente ng 3280 Araullo St., Bacood, Sta. Mesa ay desididong ituloy ang kaso laban sa mga suspek na humoldap at nais na sumaksak sa kanya. Ang mga suspects ay nakilalang sina Marlon Conarco, 19; Alfredo Dizon, 24; at Renato Badando, 32, ay pawang nakadetine ngayon sa Manila Police District-Station 8. Naganap ang insidente dakong alas-4:15 ng hapon sa intersection sa Jacinto Zamora, Sta. Mesa. Batay sa reklamo ni Parker, sinabi nitong kagagaling lamang niya sa rehearsal sa Recording Mix sa Malate at sumakay ito ng isang taxi na may plakang PWZ 590 papauwi sa kanilang bahay. Paghinto ng sinasakyan nitong taxi sa nasabing lugar dahil sa red signal, bigla umanong binuksan ng mga suspek ang pintuan ng taxi saka nagdeklara ng holdap at puwersahang kinuha ang kanyang shoulder bag na naglalaman ng I-pod, dalawang cellphone, wallet na may laman na P30,000 cash at iba pang mahahalagang kagamitan. Hindi pa umano nasiyahan ang mga suspect sa pagkuha sa kanyang pera at gamit dahil muntik pa umano siyang saksakin ng ice pick ng mga ito kung hindi lamang niya nagawang sipain ang suspek. Agad namang nagreport si Parker sa pinakamalapit na tanggapan ng barangay at pinuntahan ang pinangyarihan ng insidente na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek. Bagama’t naaresto ang mga suspek, hindi naman naisauli ang pera at kagamitan ng biktima na hinihinalang naipasa na ito sa kanilang kasamahan. (Grace dela Cruz)