Pribadong sasakyan, uukitan ng plate numbers
Matapos na maisipang dikitan ng license sticker-plate ang mga motorcycle helmets, mga pribado at pampublikong sasakyan naman ngayon ang target ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na ukitan din ng mga plate numbers kundi man sa mga salamin ay mismong sa magkabilang gilid ng katawan ng sasakyan upang pangontra na rin umano sa lumalalang krimen at carnapping sa Metro Manila at mga karatig pa nitong lugar.
Sa panayam kay MMDA chairman Bayani Fernando, sinabi nito na magpupulong ang mga Metro Mayors kasama ang ilang opisyal ng PNP hinggil sa nasabing usapin para sa nakatakdang pag-apruba nito.
Sinabi pa ni Fernando na ang naturang hakbang ay hindi lamang upang masugpo ang tumataas na kriminalidad gamit ang mga stolen vehicles o mga nakaw na sasakyan kundi isang epektibong paraan na rin umano para madaling matukoy at mahanap ang mga carnap vehicle.
“Kapag naka-ukit kasi sa mga salamin o kaya sa katawan ng sasakyan ang mga plate numbers, bukod pa sa regular plate na nakakabit sa harapan at likuran nito ay madaling matukoy kung carnap ba o hindi ang sasakyan dahil magiging kwestiyonable kung kiniskis o burado ang nakaukit na license number dito,” pahayag pa ni Fernando.
Kapag natuloy umano ang nasabing hakbang ng MMDA ay madali ng makilala ang sasakyang gagamitin ng mga kriminal, makatakas man umano ang mga ito ay madali pa rin silang masundan at matunton dahil sa mga nakaukit na license plate numbers na hindi basta-basta natatanggal o kayang palitan sa isang iglap hindi katulad ng mga regular license plate na nakakabit lamang sa harapan at likurang bahagi ng sasakyan.
Samantala, nakatakda ng ipatupad ng MMDA sa loob ng linggong ito ang panghuhuli sa mga motorcycle owners na lalabas sa lansangan na walang nakakabit na sticker o license plate sa kanilang mga helmet matapos na maging ganap na batas ito na ipapairal sa Metro Manila nang sang-ayunan at lagdaan ito ng 17 Metro Mayors. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending